Skip to main content

MULA SA SERBISYO, TUNGO SA SERTIPIKO!

Hindi lang trabaho ang pinaghahandaan—kasanayan at kahusayan ang patuloy na pinauunlad!
Noong Oktubre 5, 2026, matagumpay na ginanap ang Graduation Ceremony at Awarding of Certificates para sa 24 na empleyado ng Midori Clark Hotel and Casino, bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at dedikasyon sa pagpapaunlad ng kanilang mga kasanayan sa Food and Beverage Services NCII.
Pinasinayahan ang programa ni Mr. Gilbert Raquel, Jr., F&B Manager. Nagbigay rin ng mensahe sina Atty. Agnes VST Devanadera at Mr. Rommel C. Narciso ng Clark Development Corporation, at Atty. Balmyrson M. Valdez, Regional Director ng TESDA Region III.
Binigyang-diin ni Atty. Devanadera na patuloy na pinalalawak ng CDC ang suporta nito—hindi lamang para sa mga naghahanap ng trabaho kundi maging sa mga manggagawang patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa industriya. Aniya, ang mga programang tulad nito ay nagbibigay-inspirasyon at hamon sa mga manggagawa upang patuloy na itaas ang antas ng kanilang serbisyo at kahusayan.
Samantala, hinikayat ni RD Valdez ang mga kalahok na ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay sa pagkatuto hanggang sa pinakamataas na antas—Food and Beverage Services NC IV. Ipinakilala rin niya ang TESDA Passport App, na naglalayong gawing mas madali at accessible ang mga serbisyong pang-skills development ng TESDA.
Mula sa pawis, puyat, at araw-araw na serbisyo, narito na ang bunga ng kanilang pagsisikap—isang sertipikasyong kumikilala sa kanilang kakayahan at kahusayan, saanman sa bansa!
Taos-pusong pasasalamat sa Clark Development Corporation, Midori Clark Hotel and Casino, TESDA, at Gonzalo Puyat School of Arts and Trades (GPSAT) sa pagsisimula ng isang makabuluhang ugnayan para sa patuloy na pagpapaunlad ng ating workforce.
Isang patunay na kapag may pagkakaisa, pagtutulungan, at malasakit—
BASTA SAMA-SAMA, SA TESDA KAYANG-KAYA!
 
 
Official Website of Technical Education and Skills Development