
“Sa TESDA matututo na kayo, kikita pa kayo…”
Ito ang binigyang- diin ni Deputy Director General for Partnerships and Linkages Aniceto John Bertiz III sa kanyang naging pagbisita sa SOWFA OFW Farmers Farm School, na isang TESDA-accredited farm school sa Camiling, Tarlac.Personal na kinausap ni DDG John Bertiz ang mga scholar ng naturang farm school kung saan inilatag niya ang ilan sa mga programang hatid ng TESDA kagaya ng I-star Program, Training for Work Scholarship Program (TWSP), Special Training for Employment Program (STEP), Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) katuwang ang Agricultural Training Institute ng Department of Agriculture, ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UACTEA) kung saan isa siya sa mga principal author, at Dual Training System, Apprenticeship Program, at Learnership Program sa ilalim ng Enterprised-based Training (EBT) Program.
“Mula sa local government hanggang sa mga barangay, kaya nandito po kami ngayon dahil nais naming mas maramdaman at mas mailapit sa inyo ang mga serbisyo ng TESDA, ” ayon kay Bertiz.
Pahayag pa niya, “bukod po sa libreng pagsasanay at libreng assessment ay may 160 pesos pa pong allowance kada araw kayong matatanggap mula sa amin. Mayroon din pong 500 pesos na makukuha para sa internet allowance, 500 pesos para pambili ng faceshield at facemask, at may accident insurance din po mula sa GSIS, ang TESDA po ang magbabayad niyan.”
Isa ang sektor ng agrikultura kasama ang construction, IT-BPO, at healthcare sa nais mabigyan ng sapat na kaalaman, mataas na kasanayan, at matugunan ang kakulangan ng manggagawa ng TESDA.
“Kung ang mga professional natin ay may PRC, ang TESDA ay may National Certificate na ipinagkakaloob sa ating mga graduate. Ang amin din pong ahensiya ay nakahandang tumulong na agad silang makahanap ng trabaho. Sa katunayan, iyong ilan sa mga kababayan natin na sumailalim sa Learnership program at Apprenticeship program natin, agad silang kinuha ng mga kumpanya na kanilang pinag-trainingan. Hindi lamang kaalaman at kakayahan ang handog namin, pati kabuhayan at oportunidad ay ilalapit namin sa inyo,” paliwanag ni DDG John Bertiz.
Hinikayat niya ang mga dumalo na pagkuhanin ang kanilang mga anak ng mga kursong inaalok ng TESDA. Ipinaliwanag din niya na hindi na kailangan pang magtungo ng mga residente ng Camiling sa mga karatig-bayan sa Tarlac, dahil marami ng TESDA-accredited training centers sa lugar na maaari nilang puntahan.
“Sa kasalukuyan ay napakalaki po ng papel ng makabagong teknolohiya para maihatid ang makabuluhang impormasyon at kaalaman. Kaugnay niyan ay mayroon pong mahigit na pitumpung online courses na ino-offer ang TESDA na puwedeng i-access ng lahat ng libre,” dagdag pa ni DDG John Bertiz.
Binanggit din ng butihing Deputy Director General na may online entrepreneurship course na handog ang TESDA para sa mga kababayan nating OFW na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng OFW Reintegration through Skills and Entrepreneurship (OFW RISE) program.
Laking pasasalamat naman ng may-ari ng SOWFA OFW Farmers Farm School na si Engr. Aldrin Cardenas sa pagdalaw ng TESDA sa kanilang lugar.
Kasama ni DDG John Bertiz sina Neila Alibuyog, Orlando Yangco, Rudolph John Zerrudo, Larry Perez, at Gerardo Gomez ng TESDA Region III upang mas ipabatid ang mga programa at serbisyo na handog ng TESDA lalo na ngayon na may pandemya pa rin tayong kinakaharap.
TESDA Abot Lahat!